MANILA, Philippines – Naglaan ng P24 milyon ang gobyerno para sa pagdalo ni Pangulong Noynoy Aquino sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa China at sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Myanmar.
Ayon kay Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., kasama sa budget ang gastos para sa transportasyon, accommodation, pagkain, equipment at iba pang kailangan ng Pangulo at delegasyon nito.
Kahapon ng umaga bumiyahe na si PNoy pa-Beijing para sa APEC Leaders’ Summit na magtatagal hanggang Nobyembre 11.
Ilan sa mga paksang tatalakayin ng Pangulo sa APEC ay ang epektibong paghahanda sa pagtugon sa mga kalamidad, ang pagpapatupad ng small scale and medium and micro enterprises at pagsusulong ng good governance.
Makikipagpulong din ang Pangulo sa mga kompanya at negosyante ng mga bansang kalahok sa APEC, at personal niyang ipapaabot at ilalatag sa kanila ang mga bumubukas pang pagkakataon sa Pilipinas, mga paraan upang palaguin ang kanilang puhunan sa pagtatayo o pagpapaunlad ng kanilang negosyo sa Pilipinas.
Sunod nito, didiretso ang Pangulo sa Nay Pyi Taw, Myanmar para sa ASEAN Summit hanggang Nob. 13. Makikipagpulong siya sa mga bansang Hapon, India, Tsina, Korea, Australia, Estados Unidos, Russia, New Zealand at maging ang United Nations.