Imelda at Bongbong nakiisa sa paggunita kay ‘Yolanda’

Dinalaw ni Sen. Bongbong Marcos ang “mass grave” sa Barangay Basper sa Tacloban City kung saan ay dumalo siya at ang kanyang pamilya para sa misa ng unang taong anibersaryo ng bagyong Yolanda. Isa ang senador sa mga nagsusulong ng rehabilitasyon ng Leyte at Samar matapos ang pagkasalanta nito.

MANILA, Philippines - Nakiisa ang mag-inang sina Congw. Imelda Romualdez-Marcos at Sen. Bongbong Marcos sa paggunita ng unang ani­bersaryo ng paghagupit ng super bagyong Yolanda sa Tacloban City kahapon. 

Dinaluhan ng mag-inang Marcos ang bles­sing ng mass graves, kung saan nagsindi ng mga kandila at nag-alay ng mga bulaklak sa Holy Cross Memorial Park sa Barangay Basper. Tutuloy naman ang grupo ng Marcos Sundown Memorial Ceremony sa Balyuan, Magsaysay Boulevard sa Tacloban City kung saan isasagawa ang wreath laying of wreaths at pagpapaanod ng mga kandila para sa mga inanod at namatay sa dagat.

Paliwanag ng mga Marcos, hindi lamang paggunita sa mga namatay na Leytenos ang dapat na bigyan pansin at sa halip ay ang unti-unting pagbangon dahil nabigyan ng ikalawang buhay ang mga nakaligtas.

Sinabi ng senador na bilang chairman ng Senate Committee on Local Government, natutulu­ngan niya ang kanyang mga kababayan dahil madalas ang kanyang pagdalaw sa Tacloban at Eastern Visayas matapos ang hagupit ni Yolanda.

Sa katunayan aniya ay inirekomenda niya sa Senado na imbestigahan ang isyu sa umano’y overpri­cing ng mga bunkhouses.

Prayoridad umano ng senador ang rehabilitas­yon at pagtatayo ng matibay na istruktura.

Bagama’t ramdam pa rin ng kanyang mga kababayan ang epekto ni ‘Yolanda’, naniniwala ang senador na malalagpasan ito ng mga Leyteños at Samareños dahil likas sa mga Fiipino ang pagiging matiyaga at masipag.

“Walang waray na sumusuko,” ani Marcos. (Gemma Garcia)

Show comments