Malacañang nanindigan sa no built, no dwelling’ zone ‘

MANILA, Philippines - Nanindigan kahapon ang Malacañang na hindi papayagang makabalik ang mga residente at biktima ng bagyo sa mga tinatawag na ‘no built, no dwelling zone’.

Ayon kay Communications Group Secretary Herminio Coloma Jr., natukoy na ang mga lugar na ligtas na pagtayuan ng tahanan at hindi pahihintulutan na makabalik ang mga residente sa mga lugar na hindi ligtas bilang bahagi ng pag-iingat sakaling may duma­ting na namang malakas na bagyo sa bansa partikular sa Visayas region kung saan nanalasa ang bagyong Yolanda.

Ayon pa kay Coloma, hindi na dapat maulit ang sitwasyon kung saan nagtatayo ng bahay ang mga residente sa mga lugar na hindi ligtas dahil lamang sa malapit ito sa kanilang kabuhayan o trabaho.

Ang tinutukoy ni Coloma ay ang mga baybaying dagat kung saan maraming residente ang naninirahan dahil karamihan sa kanila ay mga mangingisda.

Nakatakda na aniyang magpasa ng resolusyon at ordinansa upang maisabatas ang pagpapatupad ng ‘no dwelling zone’.

Nilinaw rin ito na hindi hangarin ng gobyerno na pahirapan ang sinumang mamamayan na madi-displace o malalayo sa kanilang hanapbuhay at sa halip ay titiyakin lamang ang kanilang kaligtasan tuwing dumarating ang kalamidad. (Malou Escudero)

 

Show comments