MANILA, Philippines - Nakahanda ang Pilipinas na magkaloob ng $1 milyon sa United Nations (UN) kaugnay sa kampanya sa paglaban sa Ebola virus.
Sinabi ni Pangulong Aquino na nakikiisa ang gobyerno sa paglaban sa Ebola virus at nakalatag na ang programa ng Department of Health (DOH) hinggil dito.
Wika niya, ang mga magbabalik na OFW mula sa West Africa ay dapat sumailalim sa 21-day mandatory quarantine procedures upang matiyak na ligtas sila sa Ebola.
Maging ang mga peacekeeping forces na darating sa susunod na linggo mula sa Liberia ay sasailalim sa mandatory quarantine procedures bago nila makasama ang kanilang pamilya.
Wika pa ni PNoy, lalong pinahigpit ng gobyerno ang proseso upang huwag makapasok ang Ebola sa bansa.
Ilalagay ang mga miyembro ng peacekeeping force sa Caraballo island habang sila ay sumasailalim sa mandatory quarantine procedures.