MANILA, Philippines – Ilang team ng mga duktor at iba pang manggagawang pangkalusugan ang kasalukuyang nakaantabay para ipakalat sa mga liblib na lugar sa bansa kaugnay ng mga posibleng kaso ng Ebola virus.
Sinabi ni Department of Health spokesman Dr. Lyndon Lee Suy na binuo ng pamahalaan ang tinatawag na Rapid Response Team na binubuo ng mga manggagawang pangkalusugan na sinanay sa pag-iwas sa Ebola sa bansa.
“Meron kaming tatlong Rapid Response Team na binubuo ng dalawang duktor, medical technologist at nurse at kagyat silang ipapadala sa mga lalawigang posibleng may kaso ng Ebola,” pahayag ni Lee Suy.
Ayon kay Lee Suy, gagabayan ng Rapid Response Team ang mga manggagawang pangkalusugan sa kinauukulang lalawigan kung paano reresponde kung sakaling magkaroon ng kaso ng Ebola.
Ipinaliwanag ni Suy na binuo ng pamahalaan ang rapid response team para malimitahan ang galaw ng posibleng pasyenteng may Ebola sa bansa.
“Kailangan nating limitahan ang kilos at galaw ng isang posibleng Ebola patient para malimitahan ang posibleng transmission ng infection,” sabi pa niya.