Dengue, malaria sa Mimaropa lumobo

MANILA, Philippines - Nakapagtala pa rin ng mataas na kaso ng Dengue at Malaria ang MIMAROPA  sa kabila ng pagsusumikap ng Department of Health (DOH) na mapababa ito.

Sa ulat ng DOH-MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) Regional Epidemiology Surveillance Unit Region, naitala ang 11 patay mula sa 1,862 kaso simula Enero 1 hanggang Oktubre  25 ng taon.

Sa Malaria cases naman ay nagtala ng 3 patay mula sa 404 kaso nito.

Sinabi ni Regional Director Dr. Eduardo  Janairo na sa kabila ng naitalang mga kaso, mas mababa ito ng 63 porsyento kumpara sa 4,982 dengue cases noong 2013.

Samantala, nasa 404 na lamang ang Malaria, na noong isang taon ay umabot sa 1,176 o 66 porsyento ang ibinaba.

Sinabi ni Janairo na nagsagawa na sila ng anti-dengue spraying, misting at disinfection operation para malipol ang mga lamok na nagdadala ng naturang sakit.

Nagpamudmod na rin sila ng insecticides, disinfectants at maging Ultra-Low Volume misting machines sa local government units na kinabibilangan ng Balabac sa Palawan, Corcuera sa Romblon, Lubang at Looc sa Occidental Mindoro upang magamit sa kampanya laban sa Dengue, Malaria  at Filarial disease. (Ludy Bermudo)

 

Show comments