MANILA, Philippines - Walang natatanggap na banta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa mga lokal at internasyonal na mga teroristang grupo sa bansa sa panahon ng Undas.
Ayon kay AFP spokesman Lt. Col. Harold Cabunoc bagama’t wala silang namomonitor na anumang banta ng teroristang grupo, nanatili namang nasa “pro active measures’ ang buong puwersa ng sandatahang lakas.
Hinikayat naman ng AFP ang publiko na maging mapagmatyag sa kanilang kapaligiran at agad na ipagbigay alam sa mga awtoridad ang mga kahinahinalang kilos ng mga tao sa kanilang paligid at maging sa mga inabandonang bagay.
Sinabi ni Cabunoc, kahit ginugunita ng buong mundo ang Todos Los Santos tuloy pa rin ang operasyon ng militar laban sa mga armadong grupong banta sa pambansang seguridad.
Bagaman tutulong ang AFP sa PNP sa pagbabantay sa seguridad para sa mapayapang Undas 2014 ay hindi ito nagtaas ng alerto.
Ayon kay Cabunoc, mayroon din ang AFP na mga standby forces sakaling magkaroon ng anumang mga kaganapan.