MANILA, Philippines - “Sobra na!”
Ito ang sigaw kahapon ni Vice President Jejomar Binay matapos na pati ang kanyang bunsong anak na babae ay idamay ng Senado upang tuluyang pabagsakin ang imahe ng Bise Presidente.
Ayon kay Binay, “foul” nang idamay pa ang kanyang pamilya at kaladkarin ang kanyang bunsong anak sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee.
“Alam mo ba nakakalungkot, ako’y sinisiraan pati ba naman ‘yung anak ko na bunso? Isinasama pa sa kinukutya at hinahamak. Bahala na Diyos sa kanila,” ani Binay habang nasa Camarines Sur kahapon.
Nabatid na iprinisinta ni Sen. Alan Peter Cayetano noong Huwebes sa pagdinig ng Senado ang mga larawan na naka-post sa Instagram ng bunsong anak ni Binay na nagpapakita na nasa loob siya ng Batangas estate na pag-aari ng Sunchamp.
Sinabi ni Binay na taliwas sa paratang ni Cayetano, ang mga kuhang larawan sa naturang property ay hindi isang pruweba o ebidensya na pag-mamay ari ng pamilya Binay ang nasabing lugar.
“Ano po bang masamang magpa-litrato. Yung place na iyon, may lease hold iyon. Tumatanggap ng bisita ang may ari noon. So evidence po ba iyon na nagpa-litrato ka sa isang lugar at sinabi mong in this place, ikaw na ang may ari? Hindi naman siguro evidence of ownership iyon,” ani Binay.
Binanatan din ni Binay ang hindi pagsunod sa protocol ng Senate sub-committee nang hindi nila pahintulutan sina United Nationalist Alliance (UNA) Interim Secretary General JV Bautista at UNA Interim President Toby Tiangco na makadalo sa pagdinig.
Sinabi ni Binay na binastos ng Senado ang mga UNA officials na halatang may pinapanigan.
“Wala nang respeto sa protocol. Si Cong. Toby Tiangco pinaalis at balita ko binitbit pa palabas,” dagdag ni Binay.
Hindi rin niya pinalampas ang aksyon ni Cayetano na hindi na umano sumusunod sa protocol.
Umapela rin ang Bise Presidente sa mga miyembro ng sub-committee na itaas ang pamantayan ng pulitika at itigil na ang maruming pamumulitika.
“Pinakamababang sandali sa imbestigasyon ng Senado ang naganap noong Huwebes,” patungkol naman ni Bautista sa pagtatangka nina dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado at ng tatlong miyembro ng sub-committee na kaladkarin ang bunsong anak ng Bise Presidente.
Ayon kay Bautista, kinuha ang mga litrato mula sa social media site para ipakita ang kuneksyon ng mga Binay sa ari-arian sa Rosario, Batangas.
“Idinawit nila ang pangalan ng bunsong anak na babae ng Bise Presidente pero hindi ebidensiya ang mga litrato. Una, hindi kailanman itinatatwa ng mga Binay na ginagamit nila ang mga pasilidad na iyon dahil merong flower farm doon si Mrs. Binay at inaarkila nila ang lugar. Kung umuupa ka sa isang apartment, hindi ikaw ang may-ari pero lugar mo iyon. Hindi pinatunayan ng mga litrato kung sino ang may-ari pero pinakita ang malaswang pag-iisip ng mga imbestigador,” sabi pa niya.