MANILA, Philippines - Kinuwestiyon kahapon ni Senator Koko Pimentel ang pagpapatupad ng integration ng terminal fees sa airline tickets sa pagpasok ng Nobyebre 1 dahil dapat ay exempted dito ang mga overseas Filipino workers.
Nagbabala si Pimentel sa Department of Transportation and Communications (DOTC) at Manila International Airport Authority (MIAA) sa gagawing pagpapatupad ng MIAA Circular No. 08.
Ayon kay Pimentel, lalabag ito sa kasalukuyang batas na nag-e-exempt sa mga OFWs sa pagbabayad ng nasabing fees.
Sinabi ni Pimentel na hindi makakatulong para mawala ang mahabang pila sa mga paliparan dahil kinakailangan pa muling pumila ng mga OFWs para i-refund ang sisingilin sa kanilang terminal fees.
Dapat aniyang ibasura ang kautusan na maituturing na”illogical, legally questionable at extremely unfair” para sa mga OFW.
Sa ilalim ng MIAA Circular No. 08, ang terminal fees na tinatawag ding international passenger service charge (IPSC) na nagkakahalaga ng P550 bawat pasahero ay isasama na sa air tickets na ire-remit naman ng mga international airlines sa MIAA.
Sa mga OFW na bibili ng tickets sa loob ng bansa, maari silang hindi magbayad ng terminal fees kung maipapakita ang kanilang overseas employment certificate (OEC) na ibinigay ng POEA pero para sa tickets na bibilhin ng mga OFW sa online o sa labas ng bansa, papatawan sila ng IPS at ire-refund na lamang sa mga designated counters o sa MIAA office pag nakabalik na ng Pilipinas.
Balak ni Pimentel na magpatawag ng imbestigasyon upang mabigyang linaw ang nasabing memorandum lalo pa’t iginiit ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz sa kanyang sulat kay DOTC Secretary Joseph Abaya na dapat ay automatic ang pag-e-exempt sa pagbabayad ng terminal fees ng OFWs.