P2.606 T budget sa 2015 pinagtibay na ng Kamara

MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagpalag at pagtatangkang pagharang ng mga taga oposisyon, pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang P2.606 Trillion 2015 budget.

Base sa nominal voting, 197 kongresista ang pumabor samantalang 27 ang hindi at walang nag-abstain sa House bill 4968.

Nakapaloob na sa budget na ito ang nila­laman ng 269 pages ng errata na isinumite ng Malakanyang na kinuwes­tiyon ng ilang kongresista.

Kabilang pa rin sa mga ahensiyang may pinakamalaking alokasyon ang DepEd, DPWH, DND, DILG, DSWD, DOH, DA, DOTC, DENR at Hudi­katura.

Nagkaroon naman ng pagbabago sa halaga ng alokasyon ng ilang kagawaran dahil na rin sa ipinasok na errata kung saan ipinasok ang realignment ng pondo para sa ibang mga proyekto at programa.

Subalit iginiit ni House Majority Leader Neptali Gonzales na 4.71 bilyon piso lamang ang errata na tinanggap ng komite ng Kamara sa budget.

Naging tensyunado ang deliberasyon at botohan na umaabot pa sa pagsigaw o pagtaas ng boses ng mga taga oposisyon na gustong mangharang sa budget.

Pero nanaig ang intensyon ng mayorya na pagtibayin na agad ang pambansang pondo para sa susunod na taon.

Show comments