MANILA, Philippines - Tinanggap ni Vice Pres. Jejomar Binay ang imbitasyon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) para mapabulaanan niya ang walang basihang mga alegasyon ng mga kalaban niya sa pulitika sa Senate Blue Ribbon sub-committee.
“Nabalitaan ko na handa ang CBCP na buksan ang kanilang pintuan at pakinggan ang panig ko kaugnay sa isyu ng katiwaliang ipinupukol laban sa akin at sa aking pamilya,” sabi ni Binay sa isang pahayag.
“Isang karangalan po na makaharap kayo at ang ibang mga miyembro ng CBCP at ng simbahan. Nagpapasalamat ako sa pagkakataong ito na malinis ang pangalan ng pamilya ko at tuldukan ang nakakapagod nang usaping ito,” sabi ni Binay sa kanyang liham kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chair ng CBCP Committee on Public Affairs.
Nauna rito, nakipagpulong si Pabillo sa pitong pulitiko sa Makati na nagpapalabas ng mga walang basihang akusasyon laban sa Bise Presidente.
Sinabi naman ni Pabillo na bukas ang pinto para sa Bise Presidente at iba pa para magbigay ng sarili nilang panig. Wala pang naitatakdang petsa ng paghaharap ni Binay at ng CBCP.
Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng Bise Presidente na si Cavite Governor Jonvic Remulla na pagdedesisyunan sa weekend kung tatanggapin o hindi ni Binay ang imbitasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Habang isinusulat ito, nasa Camarines Sur si Binay para sa pakikipagpulong sa mga lokal na opisyal doon kaugnay ng kani-kanilang mga proyektong pabahay.