MANILA, Philippines - Sa kabila ng pag-alma ng mga militanteng kongresista, tiniyak ng Kamara na maaprubahan na ngayong araw ang P2.606 trillion na 2015 national budget.
Ayon kay House Majority leader Neptali Gonzales, hindi na niya kailangan pang suotin ang kanyang magic barong para maaprubahan sa third reading ang 2015 General Appropriation Act (GAA).
Binalewala rin ni Gonzales ang bantang pag-akyat sa Korte Suprema nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate kung hindi muna pagdedebatihan ang 269 pages na errata bago maaprubahan sa third reading.
Paliwanag nito, wala siyang nakikitang dahilan para ipetisyon ito sa Korte Suprema dahil dumaan sa tamang proseso ang mga amyenda sa budget at aprubado ito ng maliit na komite na binigyan ng otorisasyon ng Kamara.
Giit pa ng majority leader, ang makapal na errata ay hindi lamang nakapaloob sa Department of Budget and Management (DBM) kundi nakapaloob na rin dito ang mga pagbabagong isinusulong ng mga kongresista sa deliberasyon sa House Appropriations Committee at sa plenaryo bago ang pag apruba sa second reading.