MANILA, Philippines - Mistulang minaliit kahapon ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano si Vice President Jejomar Binay nang sabihin nito na sa nakikita niya aatras ang bise presidente sa nakatakda nilang debate ni Sen. Antonio Trillanes IV kung saan magiging moderator ang Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP)
Sa isang panayam sa radyo, ipinunto ni Cayetano ang patuloy na pang-iisnab ni Binay sa hearing ng Senate Blue Ribbon sub-committee na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel.
“Oo (aatras si Binay) pati naman sa hearing. Sinabi niya ‘pag inimbitahan siya nung main committee at mag-a-attend ‘yung ibang senador, e dadating siya. E inimbitahan na siya ni Senator [TG] Guingona, wala na naman,” sabi ni Cayetano.
Naniniwala rin si Cayetano na dapat ay kay dating Vice Mayor Ernesto Mercado makipagdebate si Binay lalo pa’t ito ang naging daan sa pagbubunyag ng mga sinasabing ari-arian ng bise presidente.
Ayon kay Cayetano, bagaman at hindi abogado si Trillanes may laban ito kay Binay dahil wala umano itong itinatago at nais lamang ilabas ang katotohanan.
Mas makakabuti rin aniya kung magdesisyon si Binay na humarap sa hearing sa Senado upang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.