MANILA, Philippines - Tumatanggap na ng aplikasyon ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) para sa mga pampasaherong bus na ruruta sa ibang lugar sa panahon ng Undas sa November 1 at 2.
Sinabi ni Engr. Ronaldo Corpuz, board member ng LTFRB, maaari nang mag-aplay ang mga Metro Manila buses para makapasada sa mga lalawigan para maghatid sundo sa dadagsang pasahero.
Ang special permit ay P500 kada isa at dagdag na P75.00 sa additional unit na kasama sa bawat franchise nito.
Ang special permit ay tatagal hanggang November 3 mula sa araw na maisyu ito.
Anya, karaniwan na at taun-taon silang nagkakaloob ng special permit sa Metro Manila buses na nais na mamasada sa mga probinsiya upang punan ang dagdag na units na aakma sa inaasahang dami ng mga pasahero na umuuwi tuwing Undas.
Noong nakaraang taon, mahigit 500 special permits ang naipalabas ng LTFRB.
Ang mga pampasaherong jeep sa Metro Manila na nais gamitin ng mga may-ari nito papuntang mga probinsiya ay dapat ding kumuha ng special permit upang hindi maabala sa huli.
May kaukulang parusa ang mga pampasaherong sasakyan na hindi kukuha ng permit sa LTFRB na tutungo sa mga lalawigan sa Undas. (Angie dela Cruz)