MANILA, Philippines - Bumaba ang naisusukang asupre ng bulkang Mayon na umaabot na lamang sa 50 tonelada kada araw, sobrang liit kung ikukumpara sa nagdaang 250 toneleda ng asupre.
Ito ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ay bahagi pa rin ng patuloy na pag-iipon ng lakas ng naturang bulkan para sa isang pagsabog. Sa nakalipas na 24 oras, ang bulkan ay nakapagtala din ng 3 rock fall events, bahagyang paglalabas ng puting usok mula sa bunganga.
May namataan namang crater glow sa nakalipas na magdamag at patuloy na ground deformation sa bulkan. Patuloy namang nasa Alert Level 3 ang Mayon na nangangahulugan ng pagkakaroon ng magma sa crater.
Patuloy ding ipinaiiral ang 6-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng bulkan at 7-kilometer Extended Danger Zone (EDZ) sa may timog silangang bahagi nito. (Angie dela Cruz)