MANILA, Philippines - Desidido ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ituloy ang reklamo at isulong ang pagpapadeport bilang ‘undesirable alien’ kay Marc Suselbeck, ang German fiancé ng transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude.
Ito’y matapos hindi tanggapin ng AFP ang paghingi ng tawad ni Suselbeck sa hindi magandang inasal nito nang umakyat sa perimeter fence sa Camp Aguinaldo kung saan nakapiit si US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton.
Si Sueselbeck kasama ang kapatid ni Laude na si Marilou ay umakyat sa bakod ng Mutual Defense Board –Security Engagement Board (MDB-SEB) noong Setyembre 22. Ipinagtulakan at pinagsisigawan pa ng dayuhan ang duty guard na si Army T/Sgt. Mariano Pamittan.
Sabi ni AFP Chief Gregorio Catapang, hindi ginalang ni Suselbeck ang dignidad ‘di lamang ng mga sundalo, kundi ng buong bansa kaya dapat lang na ideklara itong undesirable alien at huwag ng pabalikin pa ng bansa.
“Hindi puwedeng madala sa sorry. Tinatanggap namin yun pero kailangan nating itayo yung pride natin as Filipino. Kailangan po panagutan (Sueselbeck) yung kanyang kasalanan,” giit pa ng opisyal.
Ayon kay Catapang, isang malinaw na paglabag sa Presidential Decree No.1227 o ang batas na nagpaparusa sa sinumang papasok ng hindi awtorisado sa mga military base sa bansa. Bilang isang dayuhang bisita ay dapat anyang irespeto ni Suselbeck ang mga batas na umiiral sa Pilipinas.
Ihahain ng AFP sa Bureau of Immigration ang pagpapadeport kay Suselbeck upang turuan ito ng leksyon. (Joy Cantos)