MANILA, Philippines - Sinaliksik ko ang mga paraan para magkaroon ako ng konting kontrol sa gastusin na may kinalaman sa kuryente.
Nalaman ko na ang mismong kumpanya na naniningil ng ating bayad sa kuryente, ang Meralco, ang siyang nagbigay ng mga pamamaraan kung paano makakamenos sa bayarin sa kuryente sa pamamagitan ng kampanyang “Bright Ideas” na nagtuturo kung anong appliances ang mas episyente or energy efficient at kumonsumo ng mas kaunting elektrisidad.
Ayon sa Meralco Bright Ideas, ang mga lumang telebisyong gumagamit pa rin ng nakaumbok na picture tube sa likuran o ang tinatawag na cathode ray tube (CRT) ay higit na malaki ang nako-konsumo sa kuryente kaya gumamit na ng makabagong LED TV na slim o payat ang kaha na siyang mas matipid sa kuryente.
Ayon sa mga testing na isinagawa, ang CRT TV ay kumukonsumo ng halos P142 kada buwan base sa 140 oras na paggamit nito. Samantalang ang LED naman ay kumukonsumo lang ng P33 kada buwan sa parehong oras ng paggamit. Nangangahulugan ito na makakatipid ka ng P109 kada buwan o kabuuang P1,308 na savings sa isang taon kung gagamit ng LED TV.
Tungkol naman sa mga Energy Saving Device, payo ng mga kaibigan ko sa Meralco na huwag maniwala sa mga pangako nitong pagpapababa ng konsumo ng kuryente. Hango sa pagsisiyasat at pananaliksik ng mga eksperto sa Meralco, hindi totoo na binabawasan nito ang konsumo sa kuryente ng mga appliances.
Sa mga sinuri ng Meralco na ESD na mabibili sa merkado, wala itong napatunayan na epektibo sa pagpapababa ng konsumo sa kuryente.
Sa madaling salita, ang ESD ay pawang panlilinlang, kaya’t huwag magpapaloko sa mga product demonstrations na makikita sa kahit saang sulok ng Kamaynilaan.