MANILA, Philippines - Pumayag na ang Amerika na bayaran ang Pilipinas ng P87 milyon dahil sa pinsalang idinulot nang pagsadsad ng isang US Navy Ship sa Tubbataha Reef na kabilang sa idineklarang Unesco World Heritage noong nakaraang taon.
Sa pagdinig kahapon sa national budget ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa susunod na taon, inusisa ni Sen. Loren Legarda si Sec. Alberto del Rosario kung ano na ang nangyari sa paghingi ng Pilipinas ng bayad sa pinsalang idinulot ng US Navy minesweeper USS Guardian.
Ayon kay del Rosario, nakatanggap siya ng “correspondence” kamakalawa mula sa Amerika na pumayag ng magbayad sa Pilipinas.
Sa ngayon aniya ay inihahanda na ang mga dokumento para sa gagawing bayaran.
Matatandaan na hindi kaagad naialis ng Amerika ang sumadsad na Navy ship kaya mas lumaki ang pinsalang idinulot nito sa Tubbataha Reef noong Enero 2013.
Upang hindi mas lumaki ang damage sa reef hinati-hati ang nasabing 223 foot vessel.
Nangyari ang pagsadsad noong Enero 17, 2013 sa Unesco World Heritage na idineklarang mayaman sa marine life.
Humingi na ng tawad ang gobyerno ng Amerika dahil sa insidente kung saan sinisi nila ang “faulty maps” o maling mapa pero iginiit ng gobyerno na dapat bayaran ang damages sa Tubbataha Reef.