MANILA, Philippines - Kinalampag ng Gabriela Women’s Partylist ang gobyernong Aquino para lipulin ang mga rapist na gumigimbal ngayon sa mga unibersidad at ibang paaralan.
Ang panawagan ay kasunod ng paggahasa sa isang menor de edad na estudyante ng UP Los Baños.
Giit ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus, tatlong taon na ang lumipas matapos ang panggagahasa at pagpatay kay Given Grace Cebanico ng UPLB subalit hanggang ngayon ay wala pa ring katarungan para sa biktima.
Ngayon ay panibagong krimen na naman ang nangyari sa loob ng campus at nababahala ang kongresista na mauulit na naman ito kung hindi kikilos ang pamahalaan para tugisin ang mga masasamang loob at bigyang proteksyon ang mga estudyante.
Isinisi ng kongresista ang mababang budget na inilalaan ng gobyerno sa mga state universities and colleges dahilan kaya mababa ang uri ng pasilidad at serbisyong ibinibigay sa mga estudyante.
Sa impormasyon ng Center for Women’s Resources (CWR), ang sexual crime data mula sa PNP ay underreported dahil sa mga pagbabanta sa mga rape victim na siyang dapat na tugunan ng gobyerno.