MANILA, Philippines - Pag-aari umano ng financier ni Liberal Party presidential contender Mar Roxas ang helicopter na binabanggit ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na ginamit sa pagkuha ng mga litrato at video ng Sunchamp Agri-Tourism Park sa Rosario, Batangas.
Ito ang ibinunyag ni United Nationalist Alliance (UNA) Secretary-General JV Bautista sa isang morning television program kasabay ng pagsasabing ang helicopter na isang Eurocopter EC-130B-4 ay pag-aari umano ng bilyunaryong si Salvador “Buddy” Zamora II na merong interes sa mining at isa sa mga principal financier ni Roxas at ng partner ni Zamora na si Eric Gutierrez.
Ayon pa kay Bautista, si Guttierez ay mining business partner din ni Caloocan Rep. Edgar Erice na isang lider ng LP.
“Nasa pagmimina si Erice. Partner niya si Eric Gutierrez. Sina Gutierrez at Zamora ang may-ari ng helicopter na ito. Sila ang nagbayad sa biyaheng iyan. Si Zamora ay financier ni Roxas,” diin ni Bautista.
Pinuna ni Bautista na nagsinungaling si Mercado nang sabihin nito sa Senate Blue Ribbon Sub-Committee noong nakaraang linggo na ito ang kumuha ng mga litrato at video ng agricultural estate ng Sunchamp.
“Wala siya roon (sa biyahe). Nagsisinungaling siya nang sabihin niyang naroon siya (sa helicopter,” sabi pa ni Bautista.
Ipinakita pa ni Bautista ang isang flight plan mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagsasaad na kabilang sa mga pasahero ng helicopter sina Dexter Estacio, Marl Jogardi at Ariel Olivar.
Ayon pa sa kanya, si Estacio ay isang graphic artist na nagtatrabaho kay Sen. Alan Peter Cayetano. Nagtatrabaho rin anya si Estacio sa Taguig City Hall.
Sinabi pa ni Bautista na si Roxas ang nasa likod ng planong sirain ang tsansa ng Bise Presidente sa halalan sa 2016.
Idinagdag ni Bautista na ang mga bagay na iprinisinta sa mga pagdinig ng Senate subcommittee ay bahagi ng “Oplan SN16” o “Operation Plan Stop Nognog 2016”. Nognog ang tawag ng mga taga-LP na pantukoy kay Binay.