Land-swap deal inalmahan ng parents, teachers

MANILA, Philippines - Umapela ang mga miyembro ng Parents Tea­chers Association (PTA) ng Bayambang 1 Central School sa Malacañang, Kongreso at Department of Interior and Local Government na imbestigahan ang multi-milyong anomal­ya sa land-swap deal sa Bayambang, Pangasinan.

Sinabi ni PTA President Filipinas Alcantara na naghahanda sila ng petisyong isusumite nila sa Kongreso para masimulan ang imbestigasyon sa umano’y iligal na transfer.

Ayon kay Alcantara, dapat imbestigahan ni DILG Sec. Mar Roxas gayundin ng DepEd ang pagbenta at paglipat ng pag-aari ng lupa ng Bayambang 1 Central School sa negos­yanteng si William Chua. “Umaapela kami kay Sec. Roxas na ipaimbestiga ang swap deal agreement na nagtadhana para mailipat  kay Chua ang pagmamay-ari ng  lupain ng pamahalaang lokal na kinatitirikan ng Bayambang I Central School,” sabi pa ni Alcantara. Si Chua rin ang may-ari ng lupaing lilipatan ng eskuwelahan. Hiningi niya ang imbestigasyon para matukoy at maisampa ang kaukulang kasong admi­nistratibo at kriminal laban sa lokal na mga opisyal.

Aniya, maanomalya umano ang land-swap deal dahil lugi at hindi pabor sa interes ng mamamayan at mag-aaral ng Bayambang.

“Nagkakahalaga ng P465 milyon ang mahigit tatlong ektaryang lupa na tinayuan ng BCS I sa prevailing rate na P15,000 per square meter habang ang lupa ni Chua ay halagang P20 milyon lang batay sa nakalap naming impormasyon,” paliwanag ni Alcantara.

Hihilingin din nila kay Rep. Rosemarie Arenas na iendorso ang pagsa­sampa ng imbestigasyon ng Kongreso sa nasabing anomalya.

Magugunita na kinasuhan din nila ng graft ang principal nitong si Danilo Lopez sa paniniwala na kasabwat umano ito ng local government para sa land-swap deal.

Kinuwestyon din ng PTA ang executive order ni Bayambang Mayor Ricardo Camacho para maging basehan ng paglilipat ng paaralan sa kabila ng pagtutol dito ng DepEd.

 

Show comments