MANILA, Philippines - Walang namomonitor na terror threat sa bansa partikular na sa Metro Manila mula sa mga teroristang grupo ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito’y sa kabila ng pagkakaaresto sa tatlong hinihinalang miyembro ng Rajah Solaiman Movement (RSM) na may ugnayan sa Jemaah Islamiyah (JI) terrorist noong Oktubre 5.
Sinasabing nasilat ang pambobomba sa Metro Manila kasunod ng pagkakaaresto sa tatlong RSM members na sina Ricardo Ayeras, Andrecio Valdez at Ricky Macapagal. Si Ayeras ay nasangkot sa pambobomba sa Awang Airport sa Maguindanao noong 2003.
Ang tatlo ay nasakote sa checkpoint sa Roosevelt Avenue, QC sa kasong paglabag sa comprehensive firearms and ammunition regulation, falsification of public documents, riding without helmet, riding without license at pagtatago sa tunay na pagkatao.
Nasa heightened alert status na ang PNP pero hindi ito konektado sa pagkakasakote sa tatlo at sa travel warning ng US Embassy kundi dahil sa pag-alis sa bansa kamakalawa ni Pangulong Aquino patungong Bali, Indonesia.
Nanawagan naman ang PNP sa publiko na huwag gawing biro ang ‘bomb threat’ o ‘bomb joke’ dahil lumilikha ito ng pagpapanik ng mamamayan.
Sinabi naman ni AFP spokesman Lt. Col. Harold Cabunoc, na wala silang natatanggap na bomb threat sa Metro Manil sa kabila ng inisyung travel alert ng US Embassy.