5 volcanic quake naitala Taal volcano nag-aalburoto na rin

MANILA, Philippines - Naging aktibo na rin ang Bulkang Taal sa Batangas matapos magtala ito ng limang volcanic earthquake sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Tumaas ang temperature ng tubig sa Taal lake mula sa 32 degrees centigrade ay pumalo na ito sa 33.1 degrees centigrade habang tumaas din ang pagluluwa ng asupre ng bulkan mula 698 toneladang asupre ay naging 1800 tonelada ng asupre.

Ayon sa Phivolcs, nanatili namang nasa alert level 1 ang Bulkang Taal at bawal ding lapitan  ng sinuman  ang buong Taal island laluna ang main crater ng bulkan dahil sa steam explosions na maaaring maganap dito.

Samantala, binabantayan pa din ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang Bulkang Mayon kahit naging tahimik ito sa nakaraang 24 oras.

Ayon sa latest report ng Phivolcs, walang naganap na seismic activity at walang crater glow na namataan sa bulkan sa magdamag.

Tanging bahagyang puting  usok ang namataan sa bulkan sa may silangan timog silangang bahagi ng Mayon.

Nagluwa naman ng asupre ang naturang bulkan ng may average na may 148 tonelada at patuloy ang ground deformation ng bulkan.

Sinabi ng Phivolcs, ang pansamantalang pananahimik ng bulkan ay bahagi lamang ng mga aktibidad nito para sa inaasahang pagsabog sa mga darating na araw.

Nananatili namang nasa alert level 3 ang Bulkang Mayon at patuloy na ipinagbabawal sa sinuman ang pumasok sa loob ng 6 kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng bulkan at 7 kilometer Extended Danger Zone (EDZ)  sa may timog silangang bahagi ng bulkan dahil sa panganib ng pagbagsak ng mga bato mula sa bulkan at posibleng pagsabog.

 

Show comments