MANILA, Philippines - May 6,002 Pilipino ang nakakulong sa iba’t-ibang bansa dahil sa iba’t-ibang kaso, ayon kay Department of Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.
Sa isang report na isinumite sa appropriations committee ng House of Representatives na pinangunguluhan ni Davao City Rep. Isidro Ungab, sinabi ni del Rosario na sa mga nakakulong ay 807 ang nahaharap sa kasong may kinalaman sa bawal na gamot.
Sinabi pa ng kalihim na 79 na manggagawang Pilipino ang nahaharap sa parusang kamatayan habang 3,407 ang biktima ng mga human trafficking syndicate.
Sinisikap naman anya ng DFA na tulungan ang mga detenidong Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng legal assistance.
Kabilang pa anya sa tulong na ipinagkakaloob ng pamahalaan ang repatriation, settlement ng immigration fees at overstay fines, probisyon ng basic necessities kasama ang sa pagkain, damit at personal care products at medical at hospitalization assistance.
Inireport din ni del Rosario na, hanggang noong Agoston 15 ng kasalukuyang taon, ang DFA ay merong P311.9 milyong pondo para sa pagtulong sa mga gipit na Pilipino sa ibang bansa. Sa halagang ito, P285.6 milyon ang nagasta at ang balanse ay P26.3 milyon.