MANILA, Philippines - Patuloy na nag-iipon ng lakas ang bulkang Mayon sa Albay, Bicol para sa inaasahang pagsabog nito anumang oras mula ngayon.
Ayon sa Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs), nakapagtala ng 7 rockfall events ang bulkan sa nakalipas na 24 oras bukod sa pagkakaroon nito ng mahina hanggang sa katamtamang pagluwa ng kulay puting usok.
Bagamat walang namataang crater glow sa bulkan sa nakalipas na magdamag, nakapagtala naman ito ng pagluwa ng asupre na may 308 tonelada.
Nananatili namang nasa alert level 3 status ang Mayon na nangangahulugan na ang magma ay nasa bunganga na ng bulkan at nalalapit na ang pagsabog nito anumang araw mula ngayon.
Patuloy na ipinagbabawal ang pagpasok ng sinuman sa 6 kilometer danger zone at 7 kilometer Extended Danger Zone (EDZ) sa paligid ng bulkan upang makaiwas sa peligro na maaaring idulot sa sinuman ng naturang bulkan.