MANILA, Philippines - Kulang umano sa kakayahan si Pangulong Aquino na pamunuan ang Pilipinas kaya nanawagan ang ilang lider Simbahan na magbitiw na ito sa puwesto.
Sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na patunay ng kahinaan ng Pangulo ang naglalabasang ulat ng katiwalian ng kanyang kaalyado.
Nilinaw ng Arsobispo na “political propaganda” lamang ang kampanyang tuwid na daan ni Aquino dahil tulad ng mga nakaraang administrasyon ay laganap din ang katiwalian sa kanyang pamunuan.
Paliwanag pa ng Arsobispo na ito rin ang isa sa dahilan kung bakit hindi na dapat pang tumakbo sa ikalawang termino ang Pangulo na umaasa lamang sa dikta ng kaniyang mga kaalyado.
‘Nakakaawa sa ating bayan, higit sa lahat sa ating Pangulo na parating sigaw ay tuwid na daan. ako I’m willing to grant that he is not corrupt but the people around him a good number of them are really corrupt, mula sa ulo hanggang sa paa pero hindi nya pinapaalis,’ ani Cruz.
Naninindigan si Archbishop Cruz na mahinang leader si PNoy dahil nakadepende lamang ang pamumuno sa kanyang KKK na hindi niya kayang tanggalin kahit sangkot sa katiwalian.
Para naman kay Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal, dapat magbitiw ang Pangulo dahil na rin sa kawalan ng moral ascendancy.
Ayon kay Vidal na pinangungunahan ang grupong National Transformation Council lantaran na umanong nilalabag ng Pangulo ang Konstitusyon sa pamamagitan ng pangongorap sa Kongreso, pagbabanta sa hudikatura, sa judiciary at pakikialam sa impeachment process.
Sakaling mag-resign si PNoy, maaari namang magbuo ng isang alternative government na kinabibilangan ng mga kababaihan at kalalakihan na may integridad upang maiwasan ang political vacuum.
Ang panawagan ng Obispo ay sinang-ayunan at nilalukan ng civil society.
Nananawagan din ang grupo ng agarang pagsasampa ng kasong criminal sa lahat ng mambabatas na sangkot sa pork barrel scandal at Disbursement Acceleration program.