2nd term ni Aquino 'di patok sa mas maraming Pinoy - Pulse Asia

MANILA, Philippines – Anim sa 10 Pilipino ang hindi pabor sa pagtakbong muli ni Pangulong Benigno Aquino III sa 2016 presidential elections, ayon sa survey ng Pulse Asia.

Lumabas na 62 porsiyento ng mga Pilipino ang kontra sa pag-amyenda ng Saligang Batas upang makatakbong muli si Aquino at maituloy ang kanyang mga nasimulan mula nang maupo sa puwesto noong 2010.

Nasa 33 porsiyento naman ng mga Pinoy ang pabor sa muling pagtakbo ni Aquino.

Samantala, 62 porsiyento rin naman ng mga Pilipino ang naniniwalang hindi na kailangang amyendahan ang 1987 constitution, habang 32 porsiyento ang kontra sa charter change at 30 porsiyento ang pabor.

Sa kabilang banda, 20 porsiyento ang naniniwalang kailangan nang amyendahan ang Saligang Batas, habagn 18 porsiyento ang hindi sigurado.

Lumabas pa sa pag-aaral na dalawang panukala sa pag-amyenda ng Saligang Batas ang hindi pabor sa mga Pilipino.

Nasa 70 porsiyento ang hindi pabor sa paglilimita ng kapangyarihan ng Korte Suprema, habang 85 porsiyento ang kumontra sa foreign ownership ng mga lupa sa bansa.

Isinagawa ang survey noong Setyembre 8 hanggang 15, ilang linggo matapos pumutok ang mga panawagan sa muling pagtakbo ni Aquino sa puwesto.
 

Show comments