MANILA, Philippines - Nangunguna pa rin si Vice President Jejomar Binay bilang posibleng presidential candidate sa 2016 elections.
Sa latest survey ng Pulse Asia na ginawa nitong Setyembre 8-15, nakakuha si Binay ng 31 porsiyento. Mas mababa ito sa rating niya noong Hunyo na 41 percent.
Ginawa ang survey sa kasagsagan ng mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa umano’y overpriced Makati City Hall Building 2.
Una nang tinawag ni VP Binay na “politicized forum” ang pagdinig na ginagamit anya ng ilang senador para sa kanilang interes.
Sa kabila ng mga black propaganda rito, nanatiling front runner si Binay sa presidential survey.
Pumangalawa naman si DILG Sec. Mar Roxas na may 13% mula sa dating 7% noong Hunyo.
Sinundan ni Sen. Miriam Defensor Santiago, 11% at Sen. Grace Poe, 10%. Sa June survey, sunod kay Binay si Poe na mayroong 12%.
Katabla ni Poe sa latest survey si Manila Mayor Joseph Estrada na mayroon ding 10%; Chiz Escudero, 5%; Bongbong Marcos, 4%; Noli de Castro, 3%; Richard Gordon, 2%; Panfilo Lacson, 1% at Alan Peter Cayetano, 1%.
Ang mga lumutang namang pangalan sa pagka-bise presidente sa 2016 elections ay sina: Poe, 31%; Escudero, 19%; Cayetano, 9%; Antonio Trillanes IV, 7%; at Marcos, 6%.
Samantala, ipinahayag kahapon ng United Nationalist Alliance na, dahil sa mga hamon at isyung kinaharap ni VP Binay sa nagdaang mga linggo, inaasahan nila ang mas malaking pagbaba ng rating niya sa survey pero nakasorpresa sa kanila ang resulta ng huling survey.
“Without seeing the regional breakdown, I am relieved. Sa totoo lang, I was expecting na mas malaki pa sa 10 percent ang ibabagsak namin. Nakita naman natin talagang concentrated yung efforts ng paninira kay VP Binay,” sabi ni UNA interim president at Navotas Rep. Toby Tiangco.
Ayon sa UNA, batid ng publiko na ang mga akusasyon laban kay Binay ay bahagi ng operasyon ng mga kaalyado ng administrasyon para siraan siya at ang kanyang pamilya.
Idiniin pa ng oposisyong alyansa na ang huling survey ay lalo lang magtutulak sa Bise Presidente na pagbutihin ang paglilingkod sa bayan at walang mga paninira na makakahadlang sa kanya.