MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan na ng liderato ng Kamara ang nakaambang krisis sa kuryente sa susunod na taon.
Sa House resolution 1533 na inihain nina House Speaker Feliciano Belmonte at Majority leader Neptali Gonzales, pinakikilos ng mga ito ang energy committee ng Kamara para tutukan ang nasabing problema.
Ito ay bilang preparasyon na rin umano sa inaasahang pagbibigay ng emergency power o additional authority kay Pangulong Aquno para makagawa ng agarang paraan upang agapan ang pagkukulang ng kuryente sa panahon ng tag-init o summer.
Sinabi nina Belmonte at Gonzales, na mismong ang Pangulo ang sumulat sa Kamara para humingi ng additional authority para magkaroon ng additional power generating capacity ang bansa alinsunod sa section 71 ng EPIRA law.
Subalit bago umano ito ibigay ng kongreso ay kailangan munang malaman ang aktuwal na pangangailangan ng bansa sa kuryente at kung ano ang mga opsyon na pwedeng paggamitan ng dagdag kapangyarihan ng Pangulo.