MANILA, Philippines - Walang balak magbakasyon o kusang magbitiw sa puwesto si Department of Transportation and Communication (DOTC) Sec. Joseph Emilio Abaya sa gitna ng ginagawang imbestigasyon ng Ombudsman sa umano’y maanomalyang kontrata sa Metro Rail Transit (MRT).
Sa panayam kay Abaya sa Kamara sa ginanap na budget deliberation, sinabi nito na maghihintay siya ng instructions ni Pangulong Aquino at susundin niya agad kung ano ang direktiba nito.
Giit ng Kalihim, hindi umano ito basta magbibitiw o magbabakasyon dahil mas disservice sa publiko kung bigla niyang iiwan ang DOTC sa gitna ng kinakaharap nitong mabibigat na problema.
Subalit kapag ginusto umano ng Presidente ay hindi na ito magdadalawang salita at aalis agad siya sa pwesto.
Siniguro naman ni Abaya na haharapin niya ang imbestigasyon ng Ombudsman at ibibigay ang kanyang full cooperation tulad ng ibinigay nila sa National Bureau of Investigation, Kamara at Senado.