MANILA, Philippines - Sa gitna ng kinakasangkutang kontrobersiya tungkol sa alegasyon ng ill-gotten wealth at pagtanggap umano ng suhol, iginiit kahapon ni Sen. Grace Poe na dapat ng mag-leave sa kanyang posisyon si Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Alan Purisima.
Sa pagdinig ng Senate committee on finance kaugnay sa budget ng Department of Interior and Local Government (DILG) at mga attached agencies nito kabilang na ang PNP, umapela si Sen. Poe kay DILG Sec. Mar Roxas na ikonsidera ang morale ng iba pang opisyal ng pulisya.
Absent sa pagdinig si Purisina na dumadalo umano sa isang anti-kidnapping at anti-extortion consultation sa Bogota, Colombia.
Sinabi ni Poe na mismong sa Senado ay sinuspinde ang ilang senador na sumasailalim sa trial kaya dapat ay ganito rin ang gawin kay Purisima
Tiniyak naman ni Roxas kay Poe na ipaparating nito kay Pangulong Aquino ang kanyang rekomendasyon.
Naniniwala si Poe na totoo man o hindi ang kontrobersiya laban kay Purisima, nakakaladkad ang pangalan ng buong PNP kaya dapat na rin itong imbestigahan ng National Police Commission.
Bukod sa sinasabing ill-gotten wealth sinisilip rin ang tungkol sa White House, o ang official residence ng PNP chief na nagkakahalaga umano ng P20 milyon at umabot sa P11 milyon ang renovations na nagmula sa donasyon.
Sa report na isinumite sa Senate Committee on Finance na pinamumunuan ni Sen. Chiz Escudero, ang mga donors sa pagsasaayos ng kontrobersiyal na White House ay sina Carlos Gonzales ng Ulticon Builders, Atty. Alexander T. Lopez ng Pacific Concrete Corporation at Christopher A. Pastrana ng CAPP Industries.