MANILA, Philippines – Ibinasura ng Korte Suprema ang hirit ng Ombudsman na bumuo ng special courts ang Sandiganbayan para magsagawa ng hiwalay na pagdinig sa pork barrel scam cases.
Ayon kay SC spokesperson Atty. Theodore Te, hindi sumang-ayon ang mga hukom na magdagdag ng dalawang divisions ang Sandiganbayan na tututok lamang sa kaso dahil wala naman umanong nakitang sapat na basehan at higpit ng pangangailangan.
Sinabi ni Te na maayos naman ang pagganap sa tungkulin ng mga kasalukuyang mahistrado na dumidinig sa naturang kontrobersiyal na kaso na kinasasangkutan ng tatlong senador, ng mismong mastermind ng scam at iba pang mga personalidad.
Ikinumpara pa ng SC sa nakaraang trial noon kay dating Presidente at ngayo’y Manila Mayor Erap Estrada kung saan napilitan umanong bumuo ng special division dahil sa kakulangan ng mga tatayong hukom matapos mag-inhibit ang karamihan habang magreretiro naman ang iba.
Maalala na kinontra ng 13 mga mahistrado ng Sandiganbayan sa pangunguna ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tan ang hirit ng Ombudsman dahil magiging unfair umano ito para sa iba pang mga kaparehong importanteng kasong hinahawakan nila.
Kailangan din aniyang resolbahin ang iba pang mga kaso at hindi lamang ang mga pork barrel cases.