MANILA, Philippines - Nakikiramay ang pamunuan ng Philharbor Ferries & Port Services, Inc., ang operator ng M/V Maharlika 2, sa mga pamilya ng mga pasaherong nasawi sa aksidente sa karagatan na kinasasangkutan ng sasakyang pandagat na pagmamay-ari nila noong Setyembre 13, 2014.
Tiniyak nito na simula pa lamang sa unang araw ay nagpaabot na sila ng tulong pinansiyal sa mga survivors, at pamilya ng mga nasawi sa insidente para sa transport needs, medical bills at mortuary expenses ng mga ito.
Nagpasalamat din ang Philharbor sa mabilis na pagdating ng search and rescue operation na naging dahilan upang mas maraming survivors ang mailigtas sa insidente.
Kabilang anila sa mga unang rumesponde ay ang kanilang Maharlika 4, iba pang mga vessels at fishing boats, PCG, Philippine Navy, Local Government Units at maging mga taga pribadong sector.
Siniguro rin ng Philharbor na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente at hindi anila ititigil ito hanggang hindi nareresolba ang lahat ng isyu sa pangyayari.
Matatandaang patungo sa Liloan, Leyte, mula sa Lipata, Surigao ang M/V Maharlika 2 nang lumubog ito, lulan ang may 81 pasahero at 32 crew o kabuuang 113 katao at mga rolling cargoes.
May clearance din umano sa PCG ang paglalayag ng naturang sasakyang pandagat bago maganap ang aksidente makaraang makasalubong ang malalaking alon sa karagatan.
Inihayag rin ng Philharbor na ang lumubog na barko ay may kapasidad na 403 person, at kayang mag-accommodate ng 12 6-wheeler trucks o mga pampasaherong bus at limang light cars.
Mayroon din umano itong 12 inflatable at 6 rigid life rafts na kayang magkarga ng 25 katao bawat isa at kumpleto rin sa mga life saving devices, alinsunod sa requirement of Safety of Life at Sea at Maritime Industry Authority kaya’t handa umano ito sa mga kahalintulad na insidente.