Buy-out plan ng MRT-3, isinasapinal pa

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na isasapinal pa nila ang ‘buy-out plan’ ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3).

Ayon kay DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya, sa sandaling maplantsa na ang detalye nito ay kaagad nila itong ipiprisinta sa MRT Corp. (MRTC), ang pribadong may-ari ng MRT.

Reaksiyon ito ng kalihim sa pahayag ni dating MRTC chairman Robert John Sobrepeña na walang sinumang taga-gobyerno ang kumukontak sa kanilang grupo hinggil sa naturang buy-out.

Ayon naman kay Abaya, bukod sa planong buyout, minamadali na rin nila ang implemen­tasyon ng pag upgrade sa sistema upang mapagaan ang sitwasyon ng mga mananakay.

Aniya, ang long-term plan nila para sa MRT-3 ay ang pagpapatupad ng equity value buy-out ng MRTC, alinsunod sa Build-Lease-Transfer Concession Agreement.

Humihingi ang DOTC ng P53 bilyong appropriation sa 2015 budget para sa naturang buyout.

Muli ring sinabi ng DOTC na isinusulong pa rin nila ang pagbili ng 48-bagong light rail vehicles (LRV) sa kabila ng protesta ng MRTC. Ang prototype unit ng mga bagong LRVs ay ite-testing na sa Agosto, 2015 at sa sandaling maaprubahan ay apat na bagong unit nito ang kaagad na ide-deliver.

Ang delivery ng 48 train cars ay inaasahang makukumpleto sa Disyembre 2016.

Show comments