MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Malacañang ang memo na isinumite ng Department of Foreign Affairs (DFA) kay Pangulong Aquino kaugnay sa sinasabi ng US government na recruitment umano sa mga Filipino ng Islamic of Iraq and Syria (ISIS).
Mismong si Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte ang nagsabi sa media briefing, na nag-ugat lamang ang isyung recruitment umano ng mga Filipino sa ISIS mula sa isang supposed memo.
Nakasaad sa nasabing memo na may 100 Filipino ang na-recruit at nagtungo sa Iraq upang sumailalim sa military training na ipinadala naman sa Syria.
Nagpahayag ng pagkabahala sina dating Pangulong Ramos at Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa sinasabing recruitment sa mga Filipino partikular sa Southern Philippines upang maging ISIS warriors.
Sinabi rin ni US Ambassador Philip Goldberg na minamatyagan ng US government at Pilipinas ang sinasabing recruitment sa mga Pinoy para sa ISIS.
Sinasabing noong Marso 20 pa isinumite ng DFA ang memo sa Pangulo at matapos ang ilang buwan ay biglang inihayag ni Pangulong Aquino na tinawagan daw niya si Mayor Duterte upang ipabatid dito na may terror threat sa lungsod nito.
Magugunita na pinugutan ng ulo ng ISIS ang 2 American journalists na sina James Foley at Steven Sotloff at British aid worker na si David Haines.