MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon ang isang kongresistang Muslim sa pagpapatibay ng isang panukalang-batas na mag-oobliga sa mga supermarket, pampubliko at pribadong pamilihan na ihiwalay sa ibang mga paninda ang mga baboy at iba pang produktong baboy.
Isinampa ni Lanao del Norte Rep. Imelda Quibranza Dimaporo ang House Bill 4928 para matiyak na ang mga non-pork meat products na itinitinda sa mga pamilihan ay hindi kontaminado ng karne ng baboy at iba pang substance na ipinagbabawal sa ilalim ng pananampalatayang Islam.
Sinabi ni Dimaporo na nakakalungkot na hindi ikinokonsidera ng mga distributor at retailer ng mga meat product ang damdamin ng mga Muslim na Pilipino.
Ipinaliwanag niya na, sa relihiyong Islam, may mga bagay at gawain na ipinagbabawal. Tinatawag itong haram at isa sa limang Islamic Commandments na naglilinaw sa moralidad ng gawain ng tao.
Ang kategorya anya ng Haram ang isa sa pinakamataas na katayuan na ipinagbabawal at isa sa mga bagay na haram ang pagkain ng baboy o anumang nagmula rito.
Idinagdag niya na merong halos limang milyong Muslim na Pilipino sa buong bansa na mayorya ay nasa ilang lugar sa Mindanao.
Bukod pa anya rito ang mga Muslim na turista at dayuhan na nagmumula sa mga bansang Muslim sa bansa.
Sa naturang panukalang batas, inaatasan ang mga may-ari ng mga supermarkets, meat shops at public at private markets na tiyakin na ang mga kagamitan sa pag-iimbak, paghawak at pagbebenta ng mga non-pork product tulad ng mga freezer, cutter, container, wrapper at timbangan ay para lang sa mga produktong hindi baboy.