MANILA, Philippines – Sa simula pa lamang ay inasahan na ng kampo ng modelong si Deniece Cornejo na papayagan sila ng korte na makapagpiyansa para sa kasong serious illegal detention kaugnay ng pambubugbog sa TV host na si Vhong Navarro.
Kinumpirma ng abogadong si Sal Panelo sa kanyang panayam sa dzMM ang desisyon ng korte upang makapagpiyansa sila sa halagang P500,000.
Sinabi ni Panelo na sa simula pa lamang ng kaso ay alam na nila na papanig din sa kanila ang korte.
"From the very start, natatandaan niyo, sinabi namin noon na we were so confident na mabibigyan ng bail ang akusado," pahayag ni Panelo.
Iginiit niya na hindi serious illegal detention ang ginawa nina Cornejo at mga kasamahang sina Cedric Lee at Zimmer Raz noong Enero 21, 2014 sa loob ng isang condominium sa lungsod ng Taguig.
Sinabi ng Taguig Regional Trial Court Branch 271 na bigo ang prosekyusyon na patunayang “serious” o halos mauwi sa kidnapping ang ginawa ng mga akusado
Samantala, ikinatuwa naman ng abogado nina Lee at Raz ang desisyon ng korte.
"This is a big step in proving what we have been reiterating from the inception of this case which is the truth—that our clients are innocent of the charges against them," sabi ni Calleja.