MANILA, Philippines - Patuloy ang paglakas ng bagyong Luis at tinutumbok ang lalawigan ng Isabela.
Alas-5 ng hapon kahapon, ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong 364 kilometro hilagang silangan ng Virac, Catanduanes taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 110 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 140 kilometro bawat oras.
Si bagyong Luis ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Nakataas ang Signal number 2 sa Isabela at Cagayan samantalang signal number 1 sa Calayan at Babuyan Group of Islands, Apayao, Kalinga, Mt. Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino at Aurora.
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga residente na nakatira sa nabanggit na mga lugar na mag-ingat at ugaliing mapagmasid sa paligid para makaiwas sa dalang mga pag-uulan ng naturang bagyo na maaaring magbunsod ng flashfloods at landslide.
Ngayong Linggo, si Luis ay inaasahang nasa layong 138 kilometro hilagang silangan ng Casiguran, Aurora at sa Lunes ay nasa layong 238 kilometro kanluran hilagang kanluran ng Laoag City. Sa Martes ay inaasahang nasa layong 481 kilometro kanluran hilagang kanluran ng Laoag City.
Pinapayuhan din ng PAGASA ang mga mangingisda na dala ay maliit na bangka na iwasan munang maglayag sa dagat dahil sa malalaking alon.