Maliit na budget para protektahan ang wetland, ikinalungkot ni Villar

MANILA, Philippines - Isinusulong ni Sen. Cynthia A. Villar na itaas ang panukalang budget upang pagyamanin ang Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Eco-Tourism Area (LPPCHEA) sa Manila Bay na itinanghal ng Ramsar Convention bilang isa sa sa pinakamahalagang wetland sa buong mundo.

Dismayado si Villar makaraang mabatid na sa panukalang P20.849 billion budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), P2.2 million budget  lamang ang para sa LPPCHEA. Aniya, lumalabas dito na hindi prayoridad ng DENR ang pangangalaga rito.

Ayon kay Villar, dapat maglaan ang DENR ng budget para sa pagtatayo ng mangrove nursery at laboratory sa naturang lugar at para suportahan ang clean-up operations ng pribadong sektor at ng Las Piñas at Parañaque community.

Sa naturang pagdinig, ipinahayag ni DENR Sec. Ramon Paje na nakakuha sila ng trash boat para sa LPPCHEA at karag­dagang 20 trash boats na ipamamahagi sa iba’t ibang lugar sa Manila Bay para matugunan ang problema sa basura.

Subalit sinabi ni Villar na maaari na silang makabili ng equipment upang magamit sa pagre-recycle ng mga basura mula sa LPPCHEA sa P2 milyong halaga bawat isang trash boat na ginagamit sa paghahakot ng basura.

Isa ring bird sanctuary ang LPPCHEA na pinupuntahan ng migratory at endangered species gaya ng Philippine duck, Chinese egret, at black-winged stilt.  Ito ay mayroon ding 30 ektaryang mangrove forest.

Iginiit din ng Naciona­lista Party senator na dapat bigyang prayoridad ng DENR na protektahan ang LPPCHEA at pagyamanin ito bilang alternatibong “urban recreation destination” sa Metro Manila.

 

Show comments