MANILA, Philippines - Isinumite na kahapon ng Malacañang sa Kongreso ang draft ng Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ibinigay nina Presidential Peace Adviser Teresita Deles at Mohagher Iqbal ang kopya ng BBL kina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Feliciano Belmonte Jr. habang nakamasid si Pangulong Aquino sa isang seremonya sa Palasyo.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang mensahe, ang BBL ang inaasahang magiging tunay na susi ng kaunlaran ng Mindanao.
“Tinitiyak ko po sa inyo: Pinanday ang Bangsamoro Basic Law upang maging makatwiran, makatarungan, at katanggap-tanggap sa lahat, Moro man, Lumad, o Kristiyano,” giit ng Pangulo.
Wika niya, matagal nang naiiwanan ang Mindanao sa pag-unlad kaya ang pagpasa ng BBL ang inaasahan niyang magiging daan sa tunay na pag-unlad sa Southern Philippines.
Siniguro naman nina Drilon at Belmonte na bibigyan nila ng prayoridad ang pagpasa ng BBL lalo’t sinertipikahan ni Pangulong Aquino na urgent bill ito.
Kapag naipasa na ang BBL ay magkakaroon ng plebesito sa rehiyon at ito ang papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.