MANILA, Philippines – Walang plano ang Department of Health (DOH) na ilipat ang Philippine Childrens Medical Center (PCMC).
Sinabi ni Health Sec. Enrique Ona sa ginanap na budget hearing, isasapinal nila ang desisyong ito sa darating nilang board meeting.
Mayroon umano silang task force na nag-aaral sa mungkahi na i-modernized ang PCMC sa mismong kinaroroonan nito sa kanto ng Quezon Avenue at Agham Road sa Quezon City.
Base sa orihinal na plano, ililipat ang PCMC sa tabi sana ng Lung Center of the Philippines subalit dahil sa matinding pagtutol dito ay nagrekonsidera ang DOH.
Subalit nilinaw ng kalihim na kahit siya ay nagulat sa mga balita na plano ng DOH na gawing pribado ang PCMC.
Ang plano lamang umano noon ay ilipat ito sa tabi ng Lung Center dahil pagmamay-ari ng National Housing Authority ang lupang kinatitirikan ng PCMC bukod pa sa walang lugar para mag-expand ang ospital doon para sa upgrading nito.