MANILA, Philippines - Isang senador umano ang nakatanggap ng P1 bilyon mula sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program o DAP.
Bunsod nito kaya nanawagan si United Nationalist Alliance Secretary General Toby Tiangco kay Budget Sec. Butch Abad na isumite ang mga kopya ng lahat ng sulat na natanggap ng Department of Budget and Management kaugnay ng P10.08 bilyong pondo na ibinigay sa mga mambabatas.
“Nais naming maberipika ang natanggap naming impormasyon na isang senador ang nakatanggap ng tumataginting na P1 bilyong DAP. Kaya mahalagang ang listahang ipapakita ng Budget department anumang oras sa buwang ito sa finance committee ay sasalamin sa bawat piso na hiningi ng mga mambabatas,” sabi ni Tiangco.
Sa kanyang sulat na may petsang Agosto 26, hiningi ni Tiangco ang mas detalyadong report sa pondo ng DAP na ibinigay sa mga proyekto ng mga piling miyembro ng Kongreso.
Sa huling budget briefing, idinahilan na matatagalan bago mapagkumpara ang letter recommendation ng mga mambabatas at posibleng hindi lahat ng kongresista ay napagbigyan.
Naniniwala si Tiangco na ang mga mambabatas na miyembro ng makaadministrasyong Liberal Party ay nakatanggap ng mas malaking pondo mula sa DAP kumpara sa mga kabaro nila sa ibang mga partido pulitikal.
“Importante na ilabas ang original or true copy ng mga letter-request para maliwanagan ang lahat, at sana hindi ‘sanitized’ list ang ipakita,” banggit pa niya.
Hiniling din ni Tiangco na magsumite ng itemized list ng ipinalabas na mga pondo sa ilalim ng DAP na idinaan sa mga senador at kongresista, bilang at petsa ng Special Allotment Release Order (SARO), halaga bawat mambabatas at mga nagpatupad na ahensiya.
Batay umano sa report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na nagdedetalye sa pamamahagi ng P11-billion DAP funds sa mga lalawigan at congressional districts, sinabi ni Tiangco na karamihan ng pera ng DAP ay napunta sa mga mambabatas na kunektado sa LP.