MANILA, Philippines - Nagbubunsod na umano ng pagkabawas ng kumpiyansa ng mga negosyante sa Pilipinas ang maraming ingay sa pulitika na nalilikha rin ng administrasyon.
Ito ang babala ng United Nationalist Alliance (UNA) bunsod ng isang survey na nagpapahiwatig na napakababa ng kumpiyansa ng mga negosyo ngayon kumpara noong 2011.
Sinabi ni UNA Secretary General Toby Tiangco na masisisi ang isang paksiyon sa makaadministrasyong Liberal Party sa sobrang pamumulitika at paglikha ng senaryo na nagpasiklab ng krisis sa pulitika kaya nag-aalanganin ang sektor ng mga negosyante sa patutunguhan ng bansa.
Ginawa ni Tiangco ang babala kasunod ng napaulat na bumaba sa loob ng tatlong taon ang business confidence index sa ilalim ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ang pagbatikos ng New York Times sa idea ng pangalawang termino ni Pangulong Aquino.
“Pinagmamasdan tayo ng mundo. Malinaw na batayan ang editorial piece ng NY Times. Magsilbing babala ito sa MAD (Mar, Abad, Drilon) group ng Liberal Party para itigil nila ang pamumulitika para sa kanilang sariling kapakanan. Simulan na nilang pansinin ang kritikal na isyu ng mamamayan tulad ng sa pabahay at rehabilitasyon, seguridad, kuryente, imprastraktura, transportasyon at paglikha ng trabaho,” sabi ni Tiangco.
Binanggit niya na ang 3rd quarter indices sa taong ito ay pinakamababa mula 2011 at dapat maging babala na sa Malacañang. Ang sobrang pamumulitika umano ng makaadministrasyong partido ang isa sa mga dahilan ng hindi paborableng pananaw ng sektor ng negosyo.
“Para maisulong ang kanilang personal agenda, sinimulan ng MAD ang usap-usapan hinggil sa term extension, impeachment sa hudikatura, pagtatanggal sa puwesto, at marami pang nakakagimbal na istorya. Nagtagumpay sila kahit paano at naapektuhan sa kanilang plano ang ating ekonomiya,” puna ni Tiangco.
Sinisisi rin ng lokal na mga negosyante ang patakaran ng pamahalaan sa truck ban at ang kasalukuyang kontrobersiya sa PDAF at DAP.