MANILA, Philippines - Apat katao kabilang ang isang jailguard ang nasawi habang 8 pa ang nasugatan matapos mauwi sa shootout ang jailbreak sa detention cell ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Siocon, Zamboanga del Norte nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jail Officer 1 Ryanbel Bagun, mag-amang inmates na sina Ruel at Precioso Homoc na kapwa may kasong murder at isa pang hindi nakilalang preso. Ang mag-amang Homoc ang nagplano umano ng jailbreak.
Isinugod naman sa Siocon District Hospital ang mga biktimang sina PO3 Romel Jay Hachuela, PO1 Paul Tomboc; JO2 Rolan Felizarta at Jail Office 1 Patrick Galvez at mga presong sina Lito Magsayo (may kasong murder), Reneboy Homoc (murder), Wilmark Canunyo (robbery homicide) at Zanaida Inso.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Siocon Police chief, C/Insp. Kiram Jimlani, na ini-eskortan ni Bagun ang ilang preso pabalik sa kanilang selda matapos ang mga itong maghapunan nang pagbukas nito ng pinto ng selda ay bigla na lamang inagaw ng mag-amang Homoc ang kalibre .45 baril at shotgun at pinaputukan ang jailguard na siyang ikinasawi nito.
Naalarma naman ang iba pang jailguards at mga elemento ng Siocon Police sa umalingawngaw na putok ng baril at mabilis na nagresponde na nauwi sa shootout sa pagitan ng mga ito at ilang armadong preso na ang mga kasamahan ay nagpapanakbuhan sa labas ng selda.
Sinabi ni Jimlani na hindi nagawang makalayo ng mga preso na isa-isang tinugis sa loob ng compound at ilan sa mga ito ay nahuli habang umaakyat at tumatalon sa pader ng piitan habang pumuwesto naman sa entrance gate ng BJMP si Tomboc upang hindi makalayo ang mga preso kaya nasugatan din sa shootout.
“All the escapees were arrested by our elements with BJMP personnel and all the wounded were brought to the nearest hospital for medical attention,” pahayag ni Jimlani.