MANILA, Philippines - Dahil sa pagkamatay ng pitong estudyante ng Bulacan State University (BSU) bunsod sa pagkalunod kaya hindi muna magsasagawa ng field trip ang lahat ng mga paaralan sa bansa.
Inatasan ng House Committee on Higher and Technical Education na pinamumunuan ni Pasig Rep. Roman Romulo ang lahat ng mga pampublikong paaralan mula elementary hanggang college na ihinto muna ang mga outdoor educational activities o mga field trips hangga’t hindi pa natatapos at naisasaayos ang mga patakaran dito.
Inaprubahan din ni Romulo ang unanimous motion na pagkilala sa kabayanihan nila Sean Rodney Alejo at Mikhail Alcantara, mga estudyante ng BSU, na nagligtas sa dalawa nilang kaklase sa kabila ng delikadong sitwasyon.
Tiniyak naman ni BSU President Dr. Mariano de Jesus na may mananagot sa nangyaring insidente.
Nilinaw ng komite at ng CHED na kahit pa kumuha ng organizer ang paaralan para sa field trip o iba pang aktibidad, nananatiling responsibilidad ito ng eskwelahan.