MANILA, Philippines - Posible umanong magkaroon ng madugong komprontasyon sa gagawing pagsisilbi ng warrant of arrest sa puganteng si dating Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari.
Ito ang inamin kahapon ni Defense Secretary Voltaire Gazmin kaya nag-iingat ang joint operations ng militar at pulisya sa mga hakbang na isasagawa sa pag-aresto kay Misuari.
“We are assessing the situation to avoid a bloody confrontation in the serving of the warrant of arrest (Misuari),” pahayag ni Gazmin.
Sa kasalukuyan ay napapalibutan ng militar si Misuari sa pinagtataguan nito sa Sulu.
Si Misuari ay nahaharap sa kasong rebelyon at itinuturong mastermind sa madugong Zamboanga City siege noong Setyembre 2013 na kumitil ng mahigit 200 katao na karamihan ay MNLF fighters. Tumagal ng krisis ng 20 araw.
Sabi ni 2nd Marine Brigade Brig. Gen. Martin Pinto, Commander ng 2nd Marine Brigade na nakabase sa Sulu, ayaw ng AFP troops na magkaroon ng ‘collateral damage’ kaya kailangan ang pag-iingat sa pagdakip kay Misuari.
“We want to avoid collateral damage, he is hiding in the community, ayaw nating madamay yung mga innocent civilians sa area,” ani Pinto.
Nitong Agosto 24 ay namataan si Misuari sa isang lugar sa Panamao, Sulu na nanawagan ng kasarinlan sa itinatag nitong United Federated States of Bangsamoro Republik.
Iniulat din ni Habib Mudjahab Hashim, chairman ng MNLF’s Islamic Command Council na nasa 2,000 miyembro ng kanilang grupo ang dumalo sa ipinatawag na assembliya o pagtitipon ni Misuari sa Panamao.