MANILA, Philippines - Tila iniwasan umano ni Sen. Alan Peter Cayetano na makaharap si Makati 2nd District Rep. Marlen Abigail Binay sa loob ng gusali ng Senado Martes ng umaga ng nanood ito sa isinagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon subcommittee tungkol sa sinasabing overpriced na building sa Makati.
Abala noon si Cong. BInay na iniinterview ng media malapit sa Session Hall nang biglang dumating ang senador sa lugar, subalit sa halip na magpang-abot ang dalawa sa mismong hallway ay umiwas umano ito at mabilis na pumasok sa loob ng gallery.
Nagtungo si Cong. Binay sa Senado para suportahan si Mayor Junjun Binay at ang mga kawani’t opisyal ng Makati City Hall na nakasalang sa pagdinig ng Blue Ribbon hinggil sa umano’y overpriced na Makati Building 2.
Ayon sa kongresista, ayaw niyang makialam sa mga akusasyon ni Cayetano sa kanyang ama at kapatid, ngunit nang idawit na ng senador ang kanyang pangalan, minarapat na niyang komprontahin si Cayetano.
“Kasi nagugulat ako, bakit niya ako sinasangkot sa plunder case niya? Magkaibigan naman kami, ano ba namang tawagan niya ako? Eh, since hindi niya ako tinatawagan, mukhang kailangang ako na lang ang lumapit sa kanya,” pahayag ni Cong. Abby.
Kinumpirma naman ng kongresista na umasa siyang magkikita at magkakausap sila ni Cayetano upang linawan ang isyu na may kinalaman ang una sa kasong plunder na isinampa ng grupo ng mga abogado laban sa senador at asawa nitong si Taguig City Mayor Lanie Cayetano.
Sinabi ni Cong. Abby na masakit para sa kanya na magkaroon sila ng alitan dahil malapit na kaibigan niya ang mag-asawang Cayetano bukod pa sa pagiging magkumpare ng mga ito sa binyag. Naging malapit din siya sa alkalde dahil sa magkasunod sila ng birthday at ‘kapatid” pa nga ang kanilang tawagan sa isa’t isa.
Noong nakaraang Huwebes nang sampahan ng kasong plunder sina Sen. Cayetano at Taguig Mayor Cayetano ni Atty. Roderick Vera ng grupong Philippine Association for the Advocacy of Civil Liberties, hinggil sa may 3,000 ghost employees ng Taguig at pagbili ng mga “overpriced” na multicab.