MANILA, Philippines - Nagpalabas na ng P37 milyon ang Department of Education (DepEd) para sa pagsasaayos ng 98 paaralang sinalanta ni Typhoon Glenda sa Albay. Pangalawa ang DepEd sa mga ahensiya na nagresponde sa panawagang rehabilitasyon ng lalawigan.
Pinasalamatan ni Albay Gov. Joey Salceda si DepEd Secretary Armin Luistro, FSC, sa mabilis nitong pagtugon sa panawagan ng lalawigan sa ilalim ng Plan for Albay Glenda Early Recovery and Reconstruction (PAGERR) na kaagad inorganisa ng gubernador matapos bugbugin ni Glenda ang Albay noong Hulyo 16.
Ikinatuwa ni Salceda ang tuluy-tuloy na pagdating ng mga ayuda sa PAGERR para sa rehabilitasyon ng Albay na siyang modelo ng United Nations sa ‘disaster risk reduction and management.’
Bagama’t umani ng papuri ang Albay dahil sa walang nabuwis na buhay o Zero Casualty ito kay Glenda na mahigit 100 katao ang napatay sa iba’t ibang lalawigan ng bansa, mahigit P9.3 bilyon ang katumbas na halaga ng mga pinsalang iniwan nito sa lalawigan lalo na sa agrikultura, mga bahay at mga imprastraktura, kasama na ang mga paaralan.
Ang PAGERR ay isang malinaw na ‘reconstruction plan’ ng lalawigan. May panawagan ito sa iba’t ibang ahensiya para ayudahan ang Albay sa pagbangon nito.
Ayon kay Salceda, mahirap sa isang lalawigan ang mangalap ng ayuda kung wala itong malinaw na plano.
Ang Department of Agriculture (DA) ang kauna-unahang ahensiyang rumesponde sa panawagan ng Albay. Personal na dumalaw sa lalawigan si DA Sec. Proceso Alcala, dala ang mahigit P6 milyong ayuda.