MANILA, Philippines - Habang nagbabanta ng pagsabog anumang araw mula ngayon ang bulkang Mayon sa Albay, Bicol ay patuloy naman ang pag-aalburoto ng bulkang Taal sa Batangas.
Ayon sa Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagkaroon ng pag-init ng tubig sa paligid ng Taal Volcano sa nakalipas na 24 oras. Mula sa 32.1°C ay naging 32.7°C ang water temperature.
Bukod sa apat na volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala rin ito ng pagtaas ng water level sa lawa ng Taal.
May pagtaas din sa paglalabas ng asupre sa main crater ng bulkan na mula 698 tonnes per day ay umaabot na ito sa 1800 tonnes per day.
Gayunman, nananatiling nasa alert level 1 ang bulkan. Patuloy ding pinagbabawalan ang sinuman na pumasok sa buong Volcano Island dahil sa panganib nitong maidudulot sa mga tao.