MANILA, Philippines - Politically motivated.
Ito ang sigaw ng kampo ng mag-asawang Sen. Alan Peter at Taguig Mayor Lani Cayetano sa isinampang kasong graft laban sa kanila sa Office of the Ombudsman kaugnay sa pagbili ng mga multicabs.
Ayon sa tagapagsalita ng alkalde na si Atty. Darwin Icay, nais lamang na maligaw ang imbestigasyon sa overpricing ng Makati building kaya itinaon ang pagsasampa nito sa mismong unang araw ng Senate hearing.
Sa ipinatawag na press conference ng Philippine Association for the Advocacy of Civil Liberties (PAACL) matapos ang paghahain nito ng kaso sa Ombudsman, sinabi ni Prof. Rod Vera na nagkataon lamang na magkasabay ang paghahain nila ng kaso sa Senate hearing.
Sa pagtatanong ng media kung handa rin ang PAACL na maghain ng kahalintulad na kaso laban naman sa mga Binay bilang bahagi ng kanilang advocacy sinabi ng grupo na wala pa silang hawak na ebidensya ukol sa overpriced Makati building.
Kinumpirma naman ni Vera na magkaklase sila ng anak ni Vice Pres. Jejomar Binay na si Rep. Abigail Binay sa law school.
“Magkaklase kami pero sa isang semester lamang,” pahayag nito.
Ayon kay Icay, maituturing na bogus lamang ang reklamo laban sa mga Cayetano lalo at malinaw ang koneksyon ng mga complainant sa mga Binay.
Nabatid na si Vera ay nagtapos ng law sa Ateneo Law School at kasalukuyang nagtuturo ngayon sa PUP samantala ang isa pa sa complainant na si Atty. Philip Suwali ay kaklase rin umano ni Binay.
“Any citizen has a right to file charges but the politics in this are clear,” pagtatapos pa ni Icay.